jump to navigation

Kahel ang dugo ng langit. Huwebes, Abril 12, 2007

Posted by xxx in Tula.
26 comments

Ngayon lang ako nakatanaw
Sa kadulu-duluhan ng langit –
Kahel pala ang kulay ng huling ulap –
Masakit sa mata.

Kung makalilipad lang sana’y
Pipintahan ko ang huling ulap
Ng paborito mong kulay –
Gaya ng pangako ko sa’yo.

Pinalipad ko na silang lahat
(Mga kalapating alaga mo
Noong ikaw ay dalaga pa)
Tigmak ng naiwang pagmamahal.

Pagbangon ng susunod na araw
Wala na ang huling ulap sa hangganan –
Yukayok sa lupaing tinablan ng iyong halik
Ang susugat sa sarili mong himlayan.